Dead on the spot ang isang construction worker sa panibagong insidente ng pamamaril sa Purok Daisy, Barangay Poblacion sa Polomolok, South Cotabato.

Kinilala ni Polomolok MPS Chief Lt. Col. Peter Pinalgan ang biktima na si Dexter Ramos, 19 anyos na nakatira sa nasabing lugar. Lumalabas sa imbestigasyon ng kapulisan na bigla na lamang binaril matapos lapitan ng mga riding in tandem suspects ang naturang biktima habang nakaupo ito sa tabing daan na kaharap ng kanyang boarding house.

Tinamaan sa ulo ng bala ng baril ang biktima na tumapos sa buhay nito. Narekober naman ng kapulisan sa pinangyarihan ng krimen ang basyo ng kalibre 45 na pistola.

Isa naman sa itinuturing na persons of interest ang dating mister ng live-in partner ngayon ng biktima at tinitignang motibo sa krimen ang crime of passion. Ito na ang ikalawang insidente ng pamamaril sa bayan ng Polomolok ngayong Setyembre.