Nasamsam ng mga operatiba ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR) ang tinatayang P1,920,280 halaga ng iba’t ibang uri ng hinihinalang ipinuslit na sigarilyo sa isinagawang operasyon kahapon Nobyembre 9, 2026 sa Barangay Ramitan, Picong, Lanao del Sur.

Nasabat ang 45 kahon ng assorted smuggled cigarettes na lulan ng isang Mazda Titan truck matapos itong tangkaing tumakas sa checkpoint sa nasabing lugar.

Ayon sa ulat, bigla umanong nag-U-turn ang driver ng truck nang papalapit na ito sa checkpoint at mabilis na tumakas patungo sa Barangay Ramitan.

Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng 2nd Provincial Mobile Force Company, Lanao del Sur Police Provincial Office at Picong Municipal Police Station.

Gayunman, natagpuan na lamang ng mga humahabol na pulis ang inabandunang sasakyan sa nasabing barangay matapos tumakas ang driver sa hindi matukoy na direksyon.

Nasa kustodiya na ng Picong Municipal Police Station ang nasamsam na mga sigarilyo at truck para sa kaukulang dokumentasyon at nakatakdang turnover sa Bureau of Customs para sa nararapat na disposisyon.