Sugatan ang isang barangay kagawad matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek habang nagmamaneho ng multicab sa Barangay Balanaken, Datu Piang, Maguindanao del Sur kahapon Nobyembre 6.
Kinilala ang biktima na si alyas Abs, nasa hustong gulang, residente ng Barangay Liong at kasalukuyang barangay kagawad ng naturang barangay.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Datu Piang Municipal Police Station, dakong alas-10:40 ng umaga nang maganap ang pamamaril habang patungo sa Barangay Poblacion ang biktima.
Pagdating sa lugar, pinagbabaril umano siya ng isang hindi pa nakikilalang lalaki na sinasabing nakapuwesto sa likod ng puno ng niyog bago isagawa ang pag-atake.
Tinamaan ng bala ang kaliwang braso at kaliwang bahagi ng likod ng biktima, habang agad namang tumakas ang suspek patungo sa hindi matukoy na direksyon.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Datu Piang MPS at isinugod ang biktima sa Integrated Provincial Health Office (IPHO) Maguindanao para sa kaukulang lunas.
Ayon sa attending physician, nasa stable condition na ang biktima.
Narekober naman ng mga pulis sa pinangyarihan ng insidente ang limang basyo ng bala mula sa hindi pa matukoy na uri ng baril.
Patuloy ang follow-up investigation at intelligence-gathering operations ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan at kinaroroonan ng suspek.

















