Nasabat ng mga awtoridad ang 300 ream ng hinihinalang ipinuslit na sigarilyo na nagkakahalaga ng P240,000 matapos madiskubre ang mga ito sa mga tagong compartment ng isang van sa checkpoint sa Barangay Samburon, Linamon, Lanao del Norte.

Naganap ang pagsita bandang alas-2:40 kahapon Nobyembre 6, 2026, nang inspeksyunin ng mga awtoridad ang isang Toyota Hiace van at mapansin ang binagong kisame at mga upuang may nakatagong espasyo.

Sa isinagawang inspeksyon, natagpuan ang anim na master case ng Bosqu cigarettes na katumbas ng 300 ream.

Isinagawa ang operasyon ng 1st Provincial Mobile Force Company ng Lanao del Norte Police Provincial Office, katuwang ang iba pang yunit ng kapulisan at mga awtoridad sa maritime security.

Hindi umano nakapagpakita ng kaukulang dokumento ang driver para sa mga kargang sigarilyo kaya dinala ito sa Linamon Municipal Police Station para sa dokumentasyon at profiling bago i-refer sa Bureau of Customs.

Nasa kustodiya ng 1st PMFC ang nakumpiskang mga sigarilyo at van habang hinihintay ang turnover sa Bureau of Customs.

Samantala, tiniyak ng Police Regional Office 10 sa ilalim ng pamumuno ni PBGEN Nestor C. Babagay Jr. ang patuloy na pagpapalakas ng checkpoint operations at koordinasyon sa mga kinauukulang ahensya laban sa pagpupuslit ng mga ilegal na produkto.