Nasamsam ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang nasa 408 master cases ng hinihinalang ipinuslit na iba’t ibang uri ng sigarilyo na nagkakahalaga ng tinatayang P25 milyon sa operasyon sa Barangay Poblacion, Salug, Zamboanga del Norte.

Isinagawa ang operasyon dakong alas-6:30 ng gabi noong Nobyembre 5, 2026, sa pangunguna ng CIDG Zamboanga del Norte Provincial Field Unit, katuwang ang iba pang yunit ng CIDG, Regional Mobile Force Battalion 9, Zamboanga del Norte Provincial Mobile Force Company at mga lokal na yunit ng pulisya.

Ayon sa CIDG, natuklasang walang kinakailangang graphic health warnings, tax stamps mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR), at iba pang mandatory markings at dokumento ang mga nasamsam na produktong tabako.

Nahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, Republic Act 10643 o Graphic Health Warnings Law, at Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act ang mga may-ari ng mga kontrabando na nananatiling at-large.

Binigyang-diin ng CIDG na bahagi ang operasyon ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa malawakang pagpupuslit ng sigarilyo at iba pang ilegal na kalakalan na nakaaapekto sa lehitimong industriya at ekonomiya ng bansa.

Tiniyak naman ng CIDG na magpapatuloy ang kanilang operasyon laban sa ilegal na kalakalan at pagpupuslit ng mga produktong tabako sa iba’t ibang bahagi ng bansa.