Nasawi ang isang 44-anyos na magsasaka habang sugatan naman ang isang hindi pa nakikilalang babae matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek ang sinasakyan nilang motorsiklo sa kahabaan ng National Highway, Barangay Kanguan, Datu Piang, Maguindanao del Sur, kagabi, Nobyembre 10.

Kinilala ang nasawi na si Zukarno Sandalio Bandato, residente ng Barangay Liong, Datu Piang.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Datu Piang Municipal Police Station, pauwi na ang biktima kasama ang kanyang asawa sakay ng kulay abong Yamaha NMAX 155 nang pagbabarilin sila ng suspek na sakay naman ng isang puting minivan na walang plaka.

Nagtamo ng maraming tama ng bala sa katawan si Bandato at agad na isinugod sa Abpi-Samama Medical Lying-In Clinic and Hospital, subalit idineklara itong dead on arrival ng attending physician.
Sugatan din sa insidente ang isang hindi pa nakikilalang babae na isinugod naman ng isang concerned citizen sa ospital sa Midsayap para sa kaukulang lunas.

Hindi naman nasaktan ang asawa ng nasawing magsasaka na kasama niya nang mangyari ang pamamaril.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek patungo sa hindi matukoy na direksyon.
Patuloy ang imbestigasyon at intelligence-gathering operations ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan at matunton ang suspek, habang inaalam pa ang motibo sa pamamaril.