Nasawi ang tatlong indibidwal habang sugatan ang isa pa matapos pagbabarilin sa Sitio Philippine Trade, Barangay Manungkaling, Mamasapano, Maguindanao del Sur, bandang alas-10:40 ng umaga noong Nobyembre 7, 2026.

Kinilala ang mga nasawi na sina Samsamin Labay Kabagani at Danny Minandang, kapwa miyembro ng Civilian Armed Auxiliary o CAA, at si Esmael Manabilang, isang mangangahoy na idineklarang dead on arrival sa ospital.

Sugatan naman at nakaligtas sa insidente ang 18-anyos na si Moh, na kasama umano ng mga nasawi sa pagputol ng mga puno sa lugar.

Batay sa pahayag ng survivor sa mga imbestigador, kinuha umano sila nina Kabagani at Minandang upang magputol ng mga puno nang mangyari ang pamamaril.

Narekober naman sa crime scene ang isang kalibre .45 na baril, mga bala at basyo ng bala, dalawang motorsiklo at isang cellphone.

Samantala, mayroon nang natukoy na persons of interest ang mga awtoridad kaugnay ng insidente, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang motibo at mga responsable sa pamamaril.