Nasa kustodiya na ng Koronadal City Police Station ang pulis na nagmamaneho ng marked patrol vehicle na sangkot sa aksidenteng ikinasawi ng isang walong taong gulang na bata at ikinasugat ng isa pang indibidwal sa Koronadal City kahapon ng umaga, Nobyembre 10.
Sa inilabas na official statement ng Koronadal City Police Station, kinilala ng himpilan ang nangyaring insidente na kinasangkutan ng isang patrol vehicle na ipinahiram ng lokal na pamahalaan (LGU).
Tiniyak naman ni Koronadal City Police Station Chief of Police PLTCOL Harold V. Cornel na sasailalim sa masusing at patas na imbestigasyon ang insidente, at walang ibibigay na espesyal na pagtrato sa sinumang sangkot, kabilang ang kanilang personnel.
Ayon kay Cornel, isasagawa ang nararapat na administrative at legal na hakbang batay sa magiging resulta ng imbestigasyon at alinsunod sa umiiral na batas at regulasyon.
Binigyang-diin din ng opisyal na nananatiling mahalagang prinsipyo ng Philippine National Police ang pananagutan at pagsunod sa batas.
Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang buong detalye ng aksidente.

















