Arestado ang isang umano’y high-value individual sa ikinasang joint buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at iba pang law enforcement units sa Purok 5, Barangay Marawi Poblacion, Marawi City, Lanao del Sur, ngayong Sabado, Nobyembre 14, 2026.

Kinilala sa initial report ang suspek na si alyas Ali, 42-anyos, may asawa, at residente ng Barangay Proper, Maguing, Lanao del Sur.

Ayon sa ulat, isinagawa ang operasyon dakong alas-3:50 ng hapon sa pangunguna ng PDEA Maguindanao del Sur Provincial Office, katuwang ang iba pang support units, kabilang ang mga tauhan ng PDEA, Philippine National Police at Philippine Army.

Nasamsam sa operasyon ang isang floral bag na naglalaman ng Chinese tea bag na may label na Guanyinwang, na kinalalagyan ng isang transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 1,006 gramo o mahigit isang kilo.

Narekober din ang isang genuine na P1,000 bill na ginamit bilang buy-bust money, na inilagay sa ibabaw ng 15 bundle ng mga photocopied na perang papel na tig-P1,000.

Nakuha rin mula sa operasyon ang isang titanium Samsung cellphone, isang Toyota Hilux, identification cards at mga dokumento ng sasakyan.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na may kaugnayan sa pagbebenta, pangangalakal, paghahatid at pamamahagi ng ipinagbabawal na droga.