Nasamsam ng mga operatiba ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region o PRO-BAR ang nasa 195 kahon ng hinihinalang ipinuslit na sigarilyo na nagkakahalaga ng P7.8 milyon sa Picong, Lanao del Sur.

Isinagawa ang operasyon noong Nobyembre 13, 2026, sa Barangay Mapantao matapos makatanggap ng intelligence information hinggil sa ilang hindi pa nakikilalang indibidwal na umano’y nagkakarga ng mga sigarilyo sa isang bodega sa lugar.

Agad na nagtungo sa naturang lugar ang pinagsanib na puwersa ng Picong Municipal Police Station, Regional Intelligence Division ng PRO-BAR, Tactical Support Company ng Regional Mobile Force Battalion 14-A at 2nd Provincial Mobile Force Company ng Lanao del Sur Police Provincial Office.

Gayunman, nakatakas ang mga hinihinalang sangkot matapos mapansin ang pagdating ng mga pulis, dahilan upang maiwan ang mga sigarilyo at ang isinasagawang pagkakarga ng mga ito.

Narekober sa lugar ang kabuuang 195 kahon ng iba’t ibang tatak ng sigarilyo, kabilang ang 48 kahon ng Cannon Menthol, 10 kahon ng San Marino Gold, 22 kahon ng Fortune, 58 kahon ng Platinum Seven, 19 na kahon ng Fort at 38 kahon ng Commando.

Nasa pansamantalang kustodiya ngayon ng Picong Municipal Police Station ang mga nakumpiskang sigarilyo para sa dokumentasyon at imbentaryo bago tuluyang i-turn over sa Bureau of Customs para sa kaukulang disposisyon.