Patay ang isang retiradong military personnel matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek habang nagmamaneho sa national highway sa Barangay Kurintem, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, dakong alas-3:45 ng hapon nitong Nobyembre 16, 2026.
Kinilala ang biktima na si Danny Alif Lakim, 68-anyos, may asawa at residente ng Barangay Poblacion Salbu, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station, sakay ang biktima ng kaniyang silver metallic Toyota Avanza at binabaybay ang national highway patungong Cotabato City nang bigla siyang pagbabarilin nang ilang ulit.
Nagtamo ng maraming tama ng bala sa katawan ang biktima na naging sanhi ng agaran nitong pagkamatay.
Batay pa sa imbestigasyon, sakay umano ng isang minivan ang suspek na hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan.
Patuloy namang inaalam ng pulisya ang motibo sa pamamaril at ang pagkakakilanlan ng salarin.

















