Nasawi ang tatlong hinihinalang drug personalities habang isa pa ang naaresto matapos mauwi sa palitan ng putok ang ikinasang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Barangay Tubig Mampallam, Bongao, Tawi-Tawi noong Nobyembre 15.
Kinilala ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA-BARMM ang tatlo sa mga nasawi na sina alyas Ungod, isang Malaysian national, alyas Amil at alyas Alma.
Batay sa ulat, isinagawa ang operasyon dakong alas-4:50 ng hapon sa pangunguna ng PDEA-BARMM Tawi-Tawi Provincial Office, katuwang ang Philippine National Police at Philippine Marine Corps.
Nasamsam sa operasyon ang dalawang Chinese tea bags na naglalaman ng mga plastic sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang tinatayang timbang na dalawang kilo at standard market value na P13.6 milyon.
Narekober din ng mga operatiba ang buy-bust money, isang kalibre-9 na baril, dalawang identification card at isang de-motor na bangkang kahoy.
Ayon sa PDEA, matapos makumpleto ang transaksiyon ay namataan umano ng mga suspek ang paparating na mga operatiba at pinaputukan ang mga ito habang tinatangkang tumakas sakay ng bangka, dahilan upang magkaroon ng palitan ng putok.
Sugatan ang apat na suspek sa insidente.
Idineklarang patay sa lugar sina alyas Ungod at alyas Amil, habang isinugod naman sa pinakamalapit na ospital sina alyas Alma at alyas Nurhaipa. Gayunman, idineklarang dead on arrival si alyas Alma.
Samantala, hindi pa tinukoy sa inilabas na ulat ang pagkakakilanlan ng naarestong indibidwal.
Nahaharap ang mga suspek sa kaukulang kaso sa ilalim ng Section 5 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

















