Nasawi ang isang school principal matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa Barangay Salbu, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur, dakong alas-8:15 ng umaga ngayong Miyerkules, Nobyembre 18, 2026.

Kinilala ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR) ang biktima na si Dionel Villabito Mahusay, principal ng Pendililang Elementary School at residente ng nasabing barangay.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Datu Saudi Ampatuan Municipal Police Station, kasalukuyang nagmamaneho ng kaniyang minivan ang biktima matapos umalis sa kanilang bahay nang bigla siyang nilapitan ng mga hindi pa nakikilalang salarin, may layong humigit-kumulang 50 metro mula sa kanilang tirahan.

Dito na umano siya pinagbabaril nang maraming beses sa iba’t ibang bahagi ng katawan, dahilan ng kaniyang agarang pagkamatay.

Ayon pa sa pulisya, dinala na ng pamilya ang biktima sa kanilang tahanan bago pa dumating ang mga rumespondeng awtoridad. Wala ring nakuhang basyo ng bala sa crime scene.

Patuloy naman ang hot pursuit operation at follow-up investigation ng mga awtoridad upang matukoy at maaresto ang mga responsable sa krimen.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pamamaril.