Kinansela ng Philippine National Police (PNP) ang mga lisensya ng pitong rehistradong baril ng isang vlogger matapos kumalat sa social media ang video ng pagpapaputok nito sa isang fishpond sa San Luis, Pampanga.

Kinumpirma ni Police Brigadier General Allen Rae Co, tagapagsalita ng PNP, na isinagawa ng Firearms and Explosives Office (FEO) ang pagkansela sa mga lisensya ni Romeo Catacutan noong Nobyembre 16.

Kasunod nito, nagtungo sa bahay ng vlogger ang mga tauhan ng FEO at lokal na pulisya upang asikasuhin ang pagsuko ng pitong baril.

Sa inilabas na pahayag, inamin naman ni Romeo Catacutan ang kaniyang pagkakamali at sinabing, “Nagkamali po ako.”

Muling pinaalalahanan ni Co ang publiko na hindi pinahihintulutan ang basta-bastang pagpapaputok ng baril sa mga pribadong lugar. Tanging mga rehistrado o akreditadong firing range lamang ang maaaring gamitin para rito upang maiwasan ang panganib sa publiko.

Posible ring maharap sa kaukulang kaso ang dalawa pang indibidwal na makikita sa naturang video, kabilang ang taong pumapalakpak habang nagpapaputok si Catacutan at ang kumuha ng video.

Matatandaang nag-upload ang vlogger ng naturang video noong Nobyembre 14, ngunit binura rin ito matapos kumalat sa social media.