Nagtapos ang 6th Infantry (Kampilan) Division ng Philippine Army sa pagdiriwang ng NCO Week na nakatuon sa pagpapalakas ng kakayahan sa pamumuno, disiplina at pangangalaga sa kapakanan ng mga non-commissioned officers o NCOs.
Isinagawa ang culminating activity kahapon Nobyembre 18 sa NCO Clubhouse, Camp Siongco, Barangay Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, sa temang “One NCO Corps: One Mission: United in Leadership, Discipline, and Excellence.”
Pinangunahan ni Division Sergeant Major CMS Jonathan D. Albiso ang aktibidad, habang nagsilbing pangunahing tagapagsalita sa pambungad na programa si 6ID Chief of Staff Col. Elmer M. Boongaling.
Kabilang sa mga tinalakay sa serye ng mga talakayan ang digital discipline, gender and sexuality, coaching and mentoring para sa susunod na henerasyon ng mga lider, at ethical leadership.
Nagsagawa rin ng clean-up drive ang mga kalahok bilang bahagi ng pagdiriwang.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni 6ID Commander at Joint Task Force Central Commander Maj. Gen. Edgar L. Catu ang kahalagahan ng pangangalaga sa pisikal, propesyonal at espirituwal na kapakanan ng mga sundalo kasabay ng pagpapanatili ng kanilang kahandaan sa tungkulin.
Hinimok din ni Catu ang mga NCO na maging huwaran sa pamumuno, panatilihin ang disiplina at tiyaking nabibigyang-pansin ang kapakanan ng mga tauhang nasa ilalim ng kanilang pangangasiwa.

















