Bumuo na ng Special Investigation Task Group (SITG) ang Kidapawan City Police Station upang tutukan ang imbestigasyon sa pagpaslang kay Police Major Razul Guiambangan Pandulo, habang kabilang sa mga sinusuri ng mga awtoridad ang posibleng kaugnayan ng krimen sa trabaho ng biktima.

Makikipagtulungan ang SITG sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at iba pang yunit ng Philippine National Police (PNP) upang mapabilis ang imbestigasyon at matukoy ang mga nasa likod ng krimen.

Nasawi si Pandulo, na hepe ng Bubong Municipal Police Station sa Lanao del Sur, matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang armadong lalaki sa loob ng kanyang boarding house sa Bulong Subdivision, Poblacion, Kidapawan City, Cotabato dakong alas-4:30 ng hapon noong Nobyembre 23, 2026.

Batay sa paunang impormasyon, nagpapahinga ang opisyal sa kanyang kuwarto nang pasukin ng dalawang suspek at paulanan ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Agad namang tumakas ang mga salarin matapos ang pamamaril at hindi pa matukoy ang direksyong kanilang tinungo.

Samantala, nagpahayag ng pakikiramay ang Kidapawan City Police Station sa pamilya at mga kasamahan ng nasawing opisyal, kasabay ng panawagang mabigyan ng hustisya ang kanyang pagkamatay.