Tiniyak ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region o PRO-BAR na nananatiling nakatutok ang kapulisan sa pagpapanatili ng seguridad sa rehiyon sa kabila ng mga naitalang insidente ng pamamaril.
Ito ang naging pahayag ni PRO-BAR spokesperson Police Captain Steffi Salanguit nang tanungin ng Star FM Cotabato kung maaari pa ring ituring na ligtas ang Bangsamoro Autonomous Region matapos ang mga insidenteng kinasangkutan maging ng mga naka-unipormeng tauhan.
Ayon kay Salanguit, nagpapatuloy ang police visibility, pagpapatrolya, at mga anti-criminality operations ng mga pulis sa iba’t ibang lugar upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
“Ang ating mga kapulisan ay hindi nawawala sa ating paligid, ang ating police visibility, ang ating patrolling ay nandyan pa rin. Kabi-kabila ang ating mga anti-criminality operations. Kagaya nga ng sinabi ko sir, itong mga incidents kasi na ganito mostly ang motibo ay dahil sa personal dahilan.” Ani PCapt. Salanguit.
Hinimok din niya ang mga mamamayan na agad magsumbong sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya kung may natatanggap na banta sa kanilang buhay o seguridad upang maitala ang reklamo at mabigyan ng kaukulang proteksiyon.
Binigyang-diin ng opisyal na hindi isinasantabi ng PNP ang mga natatanggap na ulat at patuloy na kumikilos upang matukoy at mapanagot sa batas ang mga responsable sa mga krimen.
“…Makapagpa-blotter tayo and if in case na kailangan natin ng necessary protection and security coming from the PNP ay maibigay natin. Kasi ‘di naman natin tatanggihan o isasawalang bahala ang mga natatanggap nating report.” Dagdag pa nito.
Ginamit din niyang halimbawa ang mabilis na pagkakaaresto sa mga suspek sa mga naganap na insidente ng pamamaril sa Cotabato City at ang pinakahuling kaso ng pag-atake sa dalawang sundalo.
“:… At ma-iharap sila sa batas kagaya nitong recent incident natin kagaya ng nangyari rin sa Cotabato City na within a few minutes ay nakuha na ang mga suspects.” Pagtatapos ni PCapt. Salanguit.
















