Nasawi ang labing-apat na migrante mula sa Africa matapos matagpuan ang kanilang sinasakyang bangka na palutang-lutang sa karagatan malapit sa Canary Islands ng Spain kahapon, Nobyembre 27.

Ayon sa mga ulat, mahigit 100 indibidwal ang sakay ng bangka nang matagpuan ito sa layong 72 kilometro sa timog ng isla ng El Hierro bago hinila patungo sa pantalan ng La Restinga.

Walongpu’t apat na nakaligtas ang naibaba sa pantalan, habang anim na iba pa ang inilikas sakay ng helicopter at dinala sa ospital dahil sa kritikal na kondisyon.

Batay sa salaysay ng mga nakaligtas, nagmula sila sa Banjul, Gambia at sampung araw nang naglalakbay sa karagatan bago nasagip.

Tinangka ng mga migrante na marating ang Spain sa pamamagitan ng pagtawid sa Atlantic Ocean sa pag-asang makahanap ng mas magandang oportunidad sa Europe, sa kabila ng panganib ng naturang paglalakbay.