Nakiisa ang 4th Marine Rifle Battalion (4MRBn) sa pagpapalaya ng mga bagong pisang pawikan o sea turtle hatchlings sa Panggungan Island, Barangay Datu Baguinda Putih, Sitangkai, Tawi-Tawi.

Pinangunahan ng Panggungan Detachment ng 4MRBn, sa pamumuno ni SSgt Majan PN(M), ang aktibidad katuwang ang Naval Monitoring Station Panggungan at mga miyembro ng komunidad ng Badjao.

Layunin ng aktibidad na palakasin ang pangangalaga sa yamang-dagat at itaguyod ang kamalayan ng mga residente sa kahalagahan ng pagprotekta sa marine environment.

Ayon sa 4MRBn, bahagi rin ito ng pagsusulong ng pakikipagtulungan at pagtitiwala sa pagitan ng militar at mga komunidad na naninirahan sa mga baybaying lugar bilang suporta sa kanilang Territorial Defense Operations.

Tiniyak naman ng 4MRBn, bilang tagapangalaga ng Sibutu Passage, ang patuloy nitong pakikiisa sa mga hakbang para maprotektahan ang karagatan at mapangalagaan ang yamang-dagat sa Tawi-Tawi.