Nakipag-ugnayan ang mga miyembro ng Bangsamoro Federalist Party (BFP) sa Senado ng Pilipinas upang higit pang palakasin ang ugnayan ng Bangsamoro at Pambansang Pamahalaan.
Ito ay sa pamamagitan ng pagbisita ng Government of the Day sa Senado noong Nobyembre 26, 2026, sa pangunguna ni Chief Minister Abdulraof Macacua, kasama ang mga kinatawan ng BARMM Grand Coalition, Non-Moro Indigenous Peoples Sector, SIAP Party, at ilang district representatives.
Sa naturang pagbisita, binati ni Senate President Sherwin Gatchalian ang Bangsamoro sa matagumpay na pagsasagawa ng kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections at sa mabilis na pagbuo ng bagong gabinete.
Ibinahagi rin ni Gatchalian ang positibong pagtanggap ng Japan sa pagsulong ng prosesong pangkapayapaan sa rehiyon, gayundin ang patuloy nitong suporta sa pagpapaunlad ng Bangsamoro sa pamamagitan ng Japan International Cooperation Agency o JICA.
Nagpahayag naman ng kahandaang suportahan ang mga programa at pangangailangan ng Bangsamoro sina Senate President Gatchalian, Senator Juan Miguel Zubiri, at Senator JV Ejercito.
Binigyang-diin ng mga senador na mahalaga ang kaunlaran sa pagpapanatili ng kapayapaan sa rehiyon, habang tiniyak ni Zubiri ang kanyang suporta sa Bangsamoro sa pagsasabing, “This is your Senate.”
Nagpasalamat naman si Chief Minister Macacua sa Senado, partikular kay Senator Zubiri na kinikilalang Ama ng Bangsamoro Organic Law, at nagpahayag ng pag-asang magpapatuloy ang suporta ng Senado upang mapabilis ang pag-unlad ng rehiyon.
Ayon sa BFP, patuloy nitong isinusulong ang pakikipag-ugnayan sa mga institusyon ng Pambansang Pamahalaan upang maisalin ang mga tagumpay ng prosesong pangkapayapaan sa konkretong kaunlaran para sa mamamayang Bangsamoro.

















