Mabait, tahimik at nauutusang bata. Yan ang pagsasalarawan sa kinse (15) anyos na binatilyong si Ariel Jay Villarin na kilala sa alyas na AJ na nakatira sa New Bohol sa lungsod ng Kidapawan at kasalukuyang Grade 9 student sa lungsod.

Ngunit sa isang iglap, hindi na makakamit ng binatilyo ang buhay na inaasam nito maging ang kanyang pangarap matapos na masangkot ito sa isang aksidente sa pagitan ng kanyang motor at isang sasakyan sa Balindog, Kidapawan City na kung saan ay agad nitong ikinamatay kagabi, Setyembre 20.

Nabangga ng sasakyan ang minamanehong motor ng naturang bata at napuruhan sa katawan sanhi upang di na nito kayanin ang pinsala at mamatay.

Sa ngayon, humihingi ng hustisya ang pamilya ng binatilyo sa nangyari. Pangalawa sa tatlong magkakapatid, ulila na sa ama si AJ at ang nanay nito naman ay nagtatrabaho sa ibayong dagat at kasalukuyang nakikitira sa kanilang lola ang pamilya ng biktima.