Katuwang ng kapulisan, militar at mga otoridad, nabuwag ng mga kawani ng PDEA BASILAN Provincial Office ang isang drug-den at nagresulta pa sa pagkakaaresto ng nagmementina at dalawa pa nitong kasama sa Purok Fidel, Barangay Malinis sa lungsod ng Lamitan, Basilan.

Nakumpiska sa naturang operasyon ang anim na piraso ng heat-sealed na transparent sachets na may lamang limang gramong Shabu na nagkakahalaga ng P34,000.00, bust money, mga parapernalya at mga ID cards.

Kinilala ang mga suspek na sina Jerry De Leon Macahilos alyas Lilong na siyang nagmementina ng Drugden, Ritchie Reyes na kilala sa alyas na si Nomer at Marjonie Ali Isa na kilala sa alyas na Adong. Dahil dito, sinabi ni PDEA BAR Director Gil Castro na ang pagkakabuwag ng drug den ay makakatulong sa tuloy-tuloy na barangay drug clearing operations sa lugar.

Kalaboso na ngayon ang tatlo sa Lamitan City Police Station habang naghihintay ng inquest na may kinalaman sa kanilang paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.