Sa ginanap na ika-120th na regular session ng Sangguniang Panglungsod ng Cotabato, inanunsyo ni City Councilor Florante Formento ang nakayayanig nitong desisyon na tuluyan nang magbitiw bilang tagapamuno ng Committee on Rules, Ethics and Privileges at pagiging Majority Floor Leader nito.
Sa kanyang talumpati kahapon sa sesyon, idinahilan ng konsehal na ang kanyang pagbibitiw sa mga tungkulin sa sanggunian ay dahil di na tugma sa kasalukuyan nitong pwesto ang nangyayaring pagbabago sa klimang politikal o political landscape sa lungsod kung saan hindi na umano ito napapabilang sa mayorya.
Inaasahan naman na papalit sa pwesto ni Formento bilang Majority Floor Leader si Konsehal Kusin Taha na siyang assistant nito habang si Formento naman ay inaasahan na magiging kasama ni Minority Floor Leader Konsehal Jay Jay Guiani III sa minorya bilang Assistant Minority Floor Leader.
Ayon naman kay Vice Mayor Butch Abu, inaasahan na nito ang ilang mga pagbabago lalo na sa kumite na iniwanan ni Konsehal Formento.