Nakahandusay at hindi na humihinga ang isang 64 anyos na lalaki ng matagpuan ito ng miyembro ng BPAT sa isang bakanteng lote na malapit sa bahay nito sa Purok Singko, Pulang Lupa sa bayan ng Mlang Cotabato kamakalawa ng umaga.

Kinilala ang nasabing senior citizen na si Rijo Capilastique na residente din sa nasabing lugar. Sa naging imbestigasyon, dati nang may history ng mild heart attack ang biktima at dati din itong naospital dahil sa Congestive Heart Failure.

Malaki naman ang paniwala ng mga kaanak nito na dahil sa natural na kaso ito namatay bunsod ng mga iniinda nito na karamdaman at walang foul play na naganap sa pagkamatay nito.

Kahit na ganoon pa ang paniwala ng mga kamag-anak ng biktima ay isasailalim pa rin sa autopsiya ang labi ng naturang senior citizen.