Patuloy na nagpapagaling sa ospital ang isang security guard matapos itong masaksak kaninang alas-10 ng umaga sa Purok 4, Lubogan, Toril, lungsod ng Davao.
Ayon sa ulat ng pulisya, kinilala ang biktima bilang si Christopher, 33-anyos, residente ng Purok 3, Lubogan, Toril, Davao City.
Samantala, ang suspek ay kinilalang si Eddie, 37-anyos, isang tricycle driver mula sa Purok 6, Saypon, Crossing Bayabas, Toril, Davao City.
Base sa salaysay ng isang saksi, bigla na lamang lumapit ang suspek sa biktima at agad itong sinaksak sa likuran. Matapos ang insidente, boluntaryong sumuko si Eddie sa mga awtoridad.
Ayon kay Eddie, nagawa niya ang krimen dahil natuklasan niyang may relasyon ang kanyang asawa at ang biktima.
Dagdag pa niya, matagal na umano niyang napapansin ang pagiging malapit ng dalawa at may mga nabasa rin siyang mensahe sa kanilang cellphone na nagpapatunay sa kanilang ugnayan.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek at inihahanda na ang kasong isasampa laban sa kanya.