Dumating nitong weekend sa Awang Airport ang mahigit 200 kasapi ng Marine Battalion Landing Team 6 (MBLT6) sakay ng C-130 aircraft mula Zamboanga City.
Ayon kay Lt. Col. Roden Orbon, tagapagsalita ng 6th Infantry Division (6th ID) at Joint Task Force (JTF) Central, ide-deploy ang naturang mga sundalo sa mga lugar na sakop ng nasabing dibisyon upang tumulong sa pagpapanatili ng seguridad.
Itatalaga ang MBLT6 sa mga lalawigan ng Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Special Geographic Area ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (SGA-BARMM), Lungsod ng Cotabato, at iba pang lugar sa ilalim ng JTF Central.
Dagdag pa ni Orbon, magsisilbing katuwang ang mga Marines ng lokal na puwersa sa mga operasyon kontra-krimen, pagpapanatili ng kaayusan, at sa paghahanda para sa nalalapit na halalan.
Isinasagawa na rin ng 6th ID ang area assessment upang matukoy kung ilang karagdagang personnel ang kinakailangang ideploy sa iba’t ibang lugar.