Nagbigay ng dagdag na cash assistance at sports equipment ang Bangsamoro Sports Commission sa 497 student-athletes ng rehiyon na kalahok sa Palarong Pambansa 2025.
Bahagi ito ng patuloy na suporta ng BARMM sa mga batang atleta ng Bangsamoro.
Naunang ipinamahagi ang mga stipend noong Mayo 16, habang ang natitirang tulong pinansyal ay isinunod pagdating ng mga atleta sa Laoag, Ilocos Norte.
Kasama sa ayudang ibinahagi ang mga kagamitang pampalakasan gaya ng javelin, discus, shot put, at spike shoes.
Ayon kay BSC Chairperson Arsalan Diamaoden, ang mga atleta ay hindi lamang manlalaro kundi mga kinatawan ng pagkakakilanlan, kapayapaan, at pag-unlad ng Bangsamoro.
Aniya, bawat sakripisyo ng mga atleta ay tagumpay rin ng buong rehiyon.
Pormal na nagsimula ang Palarong Pambansa nitong Mayo 24 at tatagal hanggang Mayo 31.
Tampok dito ang iba’t ibang palaro gaya ng athletics, ball games, at swimming, kung saan dala ng Bangsamoro athletes ang dangal at pangarap ng kanilang rehiyon.