Masayang pinagdiriwang ng mga Muslim sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang Eid al-Adha o Festival of Sacrifice.

Sa pagputok ng araw, sabay-sabay na nagdasal ang libu-libong Muslim sa mga moske at open grounds. Suot ang kanilang pinakamagandang kasuotan, pinakinggan nila ang sermon tungkol sa pananampalataya, sakripisyo, at pagtulong sa kapwa.

Ginugunita sa Eid al-Adha ang kuwento ni Propeta Ibrahim (AS) na handang isakripisyo ang anak na si Ismail (AS) bilang pagsunod kay Allah. Sa halip, isang tupa ang inalay bilang kapalit.

Sa BARMM, maraming pamilya ang nag-alay ng kambing, baka, o tupa. Ang karne ay hinati sa tatlo: para sa pamilya, kaibigan, at mahihirap. Tumulong din ang Bangsamoro Government sa maayos at patas na pamamahagi ng karne, lalo na sa mga nangangailangan.

Masaya ring nagluto ng mga espesyal na pagkain tulad ng beef kulma, tiyula itum, pastil, at dodol ang mga pamilya para ipamahagi sa kapitbahay, kahit ano pa ang relihiyon.

Ayon kay Haron Mohammad, isang guro sa Cotabato City, Ang Eid ay panahon ng pagkakaisa. Nagbabahagi kami ng pagkain sa aming mga kapwa Kristiyano bilang pagpapakita ng pagkakaibigan at respeto.

Ang pagdiriwang ng Eid al-Adha ay patunay ng matibay na pananampalataya at pagkakaisa ng Bangsamoro, kahit sa kabila ng mga pagsubok.