Nasabat ang tinatayang ₱1,822,400 halaga ng hinihinalang shabu sa ikinasang buy-bust operation nitong Biyernes ng gabi, Hunyo 7, 2025, sa Barangay Making, Parang, Maguindanao del Norte. Dalawang lalaking hinihinalang sangkot sa ilegal na droga ang naaresto ng mga awtoridad.
Naaresto sa operasyon ang isang 31-anyos na magsasaka at isang 38-anyos na tsuper, kapwa may asawa at residente ng bayan ng Matanog, Maguindanao del Norte.
Ikinasa ang anti-iligal na operasyon sa bisa ng Pre-Ops No. 30005-062025-0045, sa pagtutulungan ng Parang Municipal Police Station, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Maguindanao del Norte, at iba pang yunit ng kapulisan kabilang ang RDEU PRO BAR, 1401st RMFC – RMFB 14-A, 1st PMFC MDN, RIU15-PIT MDN, RIAT MDN, at PIU/PDEU MDN.
Narekober mula sa mga suspek ang tatlong (3) transparent na plastic sachet na naglalaman ng puting kristal na substansiyang hinihinalang methamphetamine hydrochloride o “shabu.” Tinatayang nasa 268 gramo ang kabuuang bigat nito, na may halagang aabot sa ₱1,822,400 batay sa Dangerous Drugs Board (DDB).
Nasamsam rin ang isang ₱1,000 bill na may serial number BE266752 na ginamit bilang marked money sa operasyon.
Nabatid sa inisyal na imbestigasyon na ang dalawang suspek ay mga bagong tukoy na drug personalities na aktibong kumikilos sa Barangay Making at mga karatig na lugar.
Dinala sa Parang Municipal Police Station ang mga suspek at nakumpiskang ebidensya matapos ang masusing dokumentasyon, pagmamarka, at imbentaryo para sa karampatang disposisyon.