Pormal nang nanumpa sa tungkulin ang mga bagong halal na lokal na opisyal ng Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur kaninang umaga, Hunyo 16, sa isang seremonyang ginanap sa Shariff Kabunsuan Cultural Complex (SKCC) sa loob ng Bangsamoro Government Center (BGC) sa lungsod ng Cotabato.
Dumalo sa makasaysayang panunumpa si Bangsamoro Chief Minister Abdulraof Macacua, kasama ang iba pang matataas na opisyal ng Bangsamoro Government, bilang pagkilala at suporta sa mga bagong lider ng dalawang Maguindanao.
Ang panunumpa ay kasunod ng matagumpay na pagsasagawa ng midterm elections noong Mayo 12 sa buong bansa, kabilang na ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Tanda ito ng opisyal na pagsisimula ng panibagong yugto ng pamumuno sa dalawang lalawigan na ngayo’y inaasahang magsusulong ng mas pinatibay na serbisyo para sa kanilang mga nasasakupan.