Nagpaalala ang Police Regional Office 12 sa mga security personnel, may-ari ng mga establisimyento at publiko na paigtingin ang seguridad ngayong nagsimula na ang “Ber Months.”

Ayon sa PRO 12, inaasahang dadami ang mga mamimili at bisita sa mga mall at iba pang establisimyento habang papalapit ang holiday season.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ang mga security personnel na magsagawa ng maayos na inspeksyon sa mga entrance, maging alerto sa kahina-hinalang kilos at mahigpit na bantayan ang mga mataong lugar.

Partikular ding binigyang-pansin ang mga establisimyentong nagbebenta ng mga kagamitan at iba pang bagay na maaaring magamit sa paggawa ng krimen.

Hinimok naman ng PRO 12 ang mga security management na panatilihin ang koordinasyon sa pulisya at agad na ireport ang anumang kahina-hinalang aktibidad o problema sa seguridad.

Ayon kay PBGen Manibog, dapat doblehin ang pag-iingat ngayong “Ber Months” upang hindi mapagsamantalahan ng mga kriminal ang pagdami ng tao sa mga establisimyento.

Paalala ng PRO 12, bahagi ng pagdiriwang ang pagiging mapagmatyag upang matiyak ang ligtas at masayang holiday season.