Mariing itinanggi ni Ministry of the Interior and Local Government (MILG) Minister at Member of Parliament Atty. Sha Elijah Dumama-Alba ang mga alegasyon ng iregularidad kaugnay ng P680 milyong halaga ng procurement ng bigas ng MILG-BARMM noong 2024.

Sa kanyang opisyal na pahayag nitong Hunyo 17, 2025, iginiit ni Dumama-Alba na walang sapat na batayan ang mga paratang, at iginiit na ang lahat ng proseso ay dumaan sa tamang legal na hakbang.

Nanawagan siya sa publiko na pairalin ang due process at huwag basta-basta humusga sa social media batay sa hindi kumpletong impormasyon.

“𝘏𝘶𝘸𝘢𝘨 𝘯𝘢𝘵𝘪𝘯𝘨 𝘩𝘢𝘺𝘢𝘢𝘯 𝘢𝘯𝘨 𝘴𝘰𝘤𝘪𝘢𝘭 𝘮𝘦𝘥𝘪𝘢 𝘯𝘢 𝘮𝘢𝘨𝘪𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘴𝘢𝘯𝘨𝘬𝘢𝘱𝘢𝘯 𝘶𝘱𝘢𝘯𝘨 𝘩𝘶𝘴𝘨𝘢𝘩𝘢𝘯 𝘢𝘯𝘨 𝘶𝘴𝘢𝘱𝘪𝘯𝘨 𝘪𝘵𝘰. 𝘕𝘢𝘸𝘢’𝘺 𝘮𝘢𝘨𝘪𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘪𝘯𝘨𝘢𝘵 𝘵𝘢𝘺𝘰 𝘴𝘢 𝘱𝘢𝘨𝘣𝘢𝘣𝘢𝘩𝘢𝘨𝘪 𝘢𝘵 𝘱𝘢𝘨𝘣𝘪𝘣𝘪𝘨𝘢𝘺 𝘯𝘨 𝘬𝘰𝘮𝘦𝘯𝘵𝘰 𝘭𝘢𝘭𝘰 𝘱𝘢’𝘵 𝘩𝘪𝘯𝘥𝘪 𝘬𝘶𝘮𝘱𝘭𝘦𝘵𝘰 𝘢𝘯𝘨 𝘮𝘨𝘢 𝘪𝘮𝘱𝘰𝘳𝘮𝘢𝘴𝘺𝘰𝘯.” ayon kay Dumama-Alba.

Samantala, ilang hindi nagpakilalang taxpayer sa Bangsamoro Region ang humiling ng imbestigasyon sa nasabing transaksyon, na inihain sa Office of the President, Senado, Commission on Audit (COA), at Bangsamoro Parliament.

Alegasyon nila, paulit-ulit umanong naibigay ang kontrata sa JB Pharma & Trade Center—isang pharmaceutical company—na wala umanong kapasidad sa food supply, kahit mas mababa ang alok ng ibang bidder. Dahil dito, sinasabing nalugi ang gobyerno ng halos P15 milyon.

Kwestyonable rin umano ang paggamit ng mahigit P100 milyon mula sa MILG-READI Fund kahit walang deklaradong kalamidad, at ang sinasabing “contract splitting” para makaiwas sa public bidding.