Naaresto ng pinagsanib na puwersa ng mga otoridad ang isang 20-anyos na lalaki mula sa Brgy. Kinimi, Datu Blah Sinsuat, Maguindanao del Norte, na nahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 7610 at kasong panggagahasa.

Dakong alas-7:00 ng gabi noong Hunyo 17, 2025, isinilbi ng mga tauhan ng City Intelligence Unit (CIU) ng Cotabato City Police Office (CCPO) sa pangunguna ni PCPT Adones M. Guiambangan, katuwang ang tracker team ng himpilan sa pamumuno ni PCPT Harmin O. Sinsuat at sa ilalim ng pangangasiwa ni PCOL Jibin M. Bongcayao, City Director, ang isang warrant of arrest laban sa nasabing suspek.

Tumulong din sa operasyon ang mga tauhan ng 2nd Maneuver Platoon ng 1404th Regional Mobile Force Battalion (RMFB) sa pamumuno ni PCPT Sammy Panning, kasama ang Datu Blah Sinsuat Municipal Police Station.

Ang suspek ay nahaharap sa dalawang kaso ng paglabag sa Section 5(b) ng RA 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, at dalawang kaso ng panggagahasa sa ilalim ng Article 266-A, paragraph 1 ng Revised Penal Code.

Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang akusado para sa kaukulang disposisyon.