Kritikal ang kalagayan ng isang 66-anyos na lalaki matapos masangkot sa isang vehicular accident habang nagbibisikleta sa Barangay Topland, Koronadal City.

Kinilala ang biktima na si Jerson Trinidad, residente ng lungsod, na agad dinala ng kanyang pamilya sa isang ospital sa Cotabato City dahil sa tinamong blood clots sa katawan.

Batay sa ulat ni PMSgt. Fely Bascon, traffic investigator ng Koronadal PNP, naganap ang insidente habang nagbibisikleta si Trinidad mula Barangay Rotonda patungo sa Topland. Nang pa-kaliwa na siya sa kalsada, nasalpok siya ng isang Kawasaki Bajaj na motorsiklo na minamaneho ni alyas “Imba,” kasama ang dalawang menor de edad na angkas.

Dahil umano sa mabilis na pagpapatakbo ng motorsiklo, hindi nito naiwasan si Trinidad. Matapos mabangga ang bisikleta, tumama rin ang motorsiklo sa isang nakaparadang Nissan pickup sa gilid ng kalsada.

Nilinaw naman ni Bascon na walang nakitang indikasyon ng pag-inom ng alak sa mga menor de edad na sakay ng motorsiklo, ngunit masyado umanong mabilis ang kanilang takbo.

Isinugod rin sa pagamutan ang tatlong sakay ng motorsiklo, ngunit agad ding nakalabas matapos magtamo lamang ng minor injuries.

Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na ang pamilya ni Trinidad sa pamilya ng nakamotor para sa posibleng settlement, at humihiling ng pinansyal na tulong para sa pagpapagamot ng biktima.

Muling paalala ni PMSgt. Bascon sa publiko, lalo na sa mga motorista, na palaging magsuot ng standard helmet at mag-ingat sa kalsada upang maiwasan ang ganitong uri ng aksidente.