Agaw-buhay ngayon sa ospital ang isang babae matapos pagbabarilin ng sarili niyang kapitbahay habang nagsasalok lamang ng tubig sa labas ng kanilang bahay sa Purok Talitay, Rosary Heights 7, Cotabato City kahapon ng hapon, June 29.
Kinilala ng Cotabato City Police Station 2 ang biktima na si Fatima Matiman y Salim, 38-anyos. Samantala, tinukoy ang suspek na si Aron Guiapal y Damao, isang drayber ng payong-payong at kapitbahay mismo ng biktima.
Ayon sa imbestigasyon, agad na rumesponde ang mga pulis matapos makatanggap ng ulat ukol sa pamamaril. Naabutan nila ang sugatang biktima na may tama ng bala sa kaliwang bahagi ng dibdib at tiyan. Agad itong isinugod sa ospital para sa agarang lunas.
Napag-alamang matagal nang may alitan ang biktima at ang suspek dahil sa simpleng away sa sampayan ng damit—na umano’y siyang ugat ng insidente.
Sa ngayon, patuloy ang hot pursuit operation ng pulisya laban kay Guiapal na tumakas matapos ang krimen.