Sinuri ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines ang kahandaan sa seguridad ng 6th Infantry “Kampilan” Division kaugnay ng nalalapit na BARMM Parliamentary Elections.
Bumisita sa kampo ng 6ID ngayong Miyerkules Agosto 26, 2026 sina AFP Chief of Staff General Antonio G. Nafarrete at Philippine Army Commanding General Lieutenant General Donald M. Gumiran para talakayin ang kasalukuyang security preparations sa Bangsamoro.
Sinalubong sila nina Brigadier General Ricky P. Bunayog, Acting Commander ng 6ID at Joint Task Force Central, at Brigadier General Edgar L. Catu, Assistant Division Commander.
Tinalakay sa pagpupulong ang mga security update, operational plan at iba pang paghahanda, partikular ang mga posibleng banta sa mga lugar na itinuturing na election areas.
Binigyang-pansin din ang seguridad ng mga botante, election personnel, kandidato at mga partidong politikal, gayundin ang pagpapalakas ng koordinasyon at pagbabahagi ng tamang impormasyon sa publiko.
Ayon sa AFP, binigyang-diin ni General Nafarrete ang pangangailangang manatiling alerto at handa ang mga yunit sa anumang posibleng insidenteng may kaugnayan sa halalan.
Inatasan din umano ang mga commander na paigtingin ang intelligence monitoring, koordinasyon at operational readiness sa kani-kanilang area of responsibility.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng AFP sa COMELEC, Philippine National Police, local government units at iba pang stakeholders bilang bahagi ng paghahanda para sa ligtas, maayos at mapayapang pagsasagawa ng BARMM Parliamentary Elections.

















