Kinumpirma ng 6th Infantry Division ng Armed Forces of the Philippines na naganap ang insidente ng pamamaril sa isang checkpoint sa Tboli, South Cotabato noong gabi ng Abril 9, 2026.
Ayon sa militar, may kaugnayan ang insidente sa naunang engkwentro sa parehong araw kung saan tumulong ang tropa, katuwang ang lokal na pamahalaan, sa paglikas at pagsuko ng isang sugatang miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG).
Gayunman, inamin ng 6th Infantry Division na nagkaroon ng pagkukulang sa komunikasyon habang isinasagawa ang transport ng suspek sa isang military checkpoint na nasa heightened alert status.
Dahil dito, nagresulta ang hindi pagkakaunawaan sa hindi sinasadyang pagkakasugat ng ilang empleyado ng lokal na pamahalaan, habang nakatakas naman ang CTG member. Iginiit ng militar na walang intensyon na makasakit ng sibilyan o maapektuhan ang mga peace initiative sa lugar, kasabay ng paghingi ng paumanhin sa mga nasugatan sa insidente.
Nanawagan din ang mga awtoridad sa natitirang miyembro ng CTG na tumakas na sumuko na lamang at samantalahin ang tulong ng pamahalaan para sa kanilang ligtas na pagbabalik sa lipunan.
Samantala, tiniyak ng Philippine National Police at ng militar ang patuloy na koordinasyon upang mapanatili ang kaayusan, habang hinikayat ang publiko na manatiling kalmado at iwasan ang pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon.

















