Muling hinamon sa Commission on Elections o COMELEC ang accreditation ng MILF-led political party na United Bangsamoro Justice Party o UBJP matapos magsumite ang petitioner na si Sahabudin Panambulan Usop ng sampung bagong video bilang karagdagang ebidensya.

Sa labing-isang pahinang pleading na inihain ni Usop, iginiit niyang dapat suriin ng COMELEC ang mga video na umano’y nagpapakita ng presensya ng mga armadong indibidwal na iniuugnay sa UBJP at MILF.

Ayon kay Usop, nai-post ang mga video sa social media noong huling bahagi ng Agosto at mga unang araw ng Setyembre ng mga indibidwal at page na umano’y konektado sa mga kaanib ng UBJP.

Kinuwestiyon din niya ang paliwanag na supporters, sympathizers at bystanders lamang ang mga armadong indibidwal at walang kontrol ang partido sa mga ito.

Una nang tinutulan ng UBJP ang mga naunang ebidensya ni Usop dahil umano sa kawalan ng authentication sa ilalim ng Rules on Electronic Evidence, ngunit iginiit ng petitioner na hindi ito dapat maging hadlang sa pagsusuri sa sampung bagong video dahil nai-post ang mga ito matapos ang mga naunang proseso sa kaso.

Samantala, una nang inaprubahan ng COMELEC ang accreditation ng UBJP noong Mayo 6 matapos ibasura ang mga pagtutol nina Usop at Ganasara Dibararen dahil sa kakulangan ng sapat na batayan.

Sa kabila nito, patuloy na naghahain si Usop ng supplemental pleadings at mga bagong ebidensya habang papalapit ang September 14 Bangsamoro Parliamentary Elections.