Binuwag ang isang umano’y drug den at naaresto ang apat (4) na suspek sa isinagawang joint anti-drug operation sa Purok Honeybee, Poblacion 2, Cotabato City noong Abril 15, 2026.
Isinagawa ang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office BARMM – Maguindanao del Sur Provincial Office, katuwang ang Cotabato City Police Office–Station 1, City Mobile Force Company, at City Drug Enforcement Unit.
Kinilala ang mga naaresto na sina alyas “Tetet,” 22-anyos; “Ula,” 24-anyos; “Datu,” 18-anyos; at “Untong,” 18-anyos, pawang lalaki. Samantala, nakatakas ang pangunahing target na si alyas “Kuya,” na umano’y operator ng drug den matapos makatunog sa operasyon ng mga awtoridad.
Nakumpiska sa operasyon ang apat (4) na sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 0.5 gramo na may halagang ₱3,400.00, kasama ang iba’t ibang drug paraphernalia, buy-bust money, at dalawang (2) cellphones.
Kasalukuyang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga naarestong suspek, habang patuloy na pinaghahanap ang nakatakas na pangunahing target na si alyas “Kuya.”

















