Nasamsam ng mga tropa ng militar ang matataas na kalibreng armas, pampasabog at iba pang kagamitang pandigma matapos ang magkahiwalay na engkwentro laban sa hinihinalang mga miyembro ng communist terrorist group o CTG sa T’boli, South Cotabato.
Naganap ang unang sagupaan bandang alas-8:20 ng umaga kahapon Setyembre 14 sa Sitio Lebe, Barangay Tudok.
Ayon sa 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, nakasagupa ng tropa ng 105th Infantry Battalion ang tinatayang sampung armadong rebelde na umano’y kabilang sa Regional Operations Command ng Far South Mindanao Region.
Tumagal ng humigit-kumulang sampung minuto ang engkwentro bago umatras ang armadong grupo.
Sa isinagawang clearing at pursuit operation, nakarekober ang mga sundalo ng 40mm grenade launcher, caliber .38 revolver, mga communication equipment, cellphone, medical kit at ilang dokumento.
Muli namang nagkaroon ng engkwentro pagsapit ng dapit-hapon sa parehong lugar.
Dito ay nakarekober ang mga tropa ng M16 rifle, anti-personnel mine, granada, mga magazine, bandolier, radyo, binoculars, mga bag at iba pang kagamitan.
Ayon kay Acting 6ID at JTFC Commander Brigadier General Ricky Bunayog, malaking dagok sa armadong grupo ang operasyon.
Hinikayat din ng militar ang mga natitirang armadong miyembro ng grupo na isuko ang kanilang armas at samantalahin ang pagkakataong makapagbalik-loob sa pamahalaan.
Kasabay nito, tiniyak ng 6ID at JTFC na magpapatuloy ang kanilang mga operasyon upang mapanatili ang seguridad at kapayapaan sa mga komunidad.











