Hinigisan ng pampasabog ang sasakyan ng isang guro habang ipinapahugas ito sa Sitio Proper, Barangay Kitango, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur, kagabi September 18.
Nakaligtas naman ang guro na kinilalang si alyas Haj, residente ng nasabing barangay, matapos sumabog ang naturang pampasabog at magdulot ng pinsala sa kanyang puting Suzuki Every minivan.
Batay sa inisyal na ulat ng Datu Saudi Ampatuan Municipal Police Station, dakong alas-9:40 ng gabi nang mangyari ang insidente.
Ayon sa pulisya, dalawang hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng isang minivan ang lumapit sa lugar at umano’y naghagis ng explosive ordnance patungo sa sasakyan ni alyas Haj.
Agad namang tumakas ang mga suspek sakay ng kanilang minivan patungo sa hindi pa matukoy na direksyon.
Nakipag-ugnayan na rin ang pulisya sa mga kinauukulang unit para sa post-blast examination at crime scene processing, habang kinolekta ang mga fragment at iba pang ebidensyang posibleng may kaugnayan sa pagsabog.
Patuloy naman ang intelligence gathering ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at mabatid ang motibo sa likod ng insidente.
Sa ngayon, patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya.








