Nagdagdag ng puwersa ang 601st Brigade ng Philippine Army sa ilang bahagi ng Maguindanao del Sur bilang paghahanda sa nalalapit na First BARMM Parliamentary Election o BPE 2026.

Iniutos ni BGen. Gremel B. Brual, Commander ng 601st Brigade, ang deployment ng karagdagang mga tauhan upang palakasin ang seguridad sa mga lugar na sakop ng kanilang Area of Responsibility.
Kabilang sa mga idineploy ang mga tropa mula sa 75th Infantry “Marauder” Battalion, kasama ang pinagsanib na pwersa ng 7th Infantry “Tapat” Battalion, 57th Infantry “Masikap” Battalion at 64th Division Reconnaissance Company.

Itinalaga ang mga karagdagang tauhan sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, Rajah Buayan at Datu Piang, Maguindanao del Sur.
Layunin ng deployment na palakasin ang presensya ng security forces, maiwasan ang mga posibleng banta at makapagbigay ng mabilis na tugon sa anumang insidenteng maaaring makaapekto sa paghahanda at pagsasagawa ng halalan.
Bahagi rin ito ng security preparations ng Armed Forces of the Philippines upang suportahan ang COMELEC, Philippine National Police at iba pang ahensyang may tungkulin sa pagtiyak ng ligtas at maayos na halalan.
Patuloy naman ang koordinasyon ng militar sa PNP at mga election officer bilang bahagi ng paghahanda para sa BPE 2026.


















