Nabigo ang pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na maaresto ang wanted person na si alyas Mus sa isinagawang operasyon sa Barangay Duguengen, Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao del Sur kahapon, July 21.

Ayon sa Maguindanao del Sur Police Provincial Office (MDSPPO), nagsisilbi sana ang mga awtoridad ng warrant of arrest laban kay alyas Mus na nahaharap sa mga kasong frustrated murder, murder, at robbery batay sa utos ng Regional Trial Court Branch 15.

Gayunman, nakatakas ang target na suspek. Sa isinagawang operasyon, naaresto naman ang kanyang asawa na si alyas Aiz.

Nasamsam mula sa kanyang posesyon ang limang matataas na kalibreng baril na kinabibilangan ng Baby M16, M16, at M14 rifles, tatlong improvised explosive devices (IEDs), at isang Suzuki utility vehicle o mini van na may plakang KAM 8564.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Shariff Saydona Mustapha Municipal Police Station ang naarestong si alyas Aiz at ang mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon at iba pang legal na proseso.

Ayon kay Maguindanao del Sur Police Provincial Director Police Colonel Michael John C. Mangahis, magpapatuloy ang operasyon ng mga awtoridad laban sa mga taong pinaghihinalaang sangkot sa terorismo at iba pang kriminal na aktibidad upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.