Itinakda na ng bagong Bangsamoro Cabinet ang mga pangunahing prayoridad sa unang 100 araw ng panunungkulan, kabilang ang panukalang 2027 regional budget, reporma sa burukrasya at pagpapatuloy ng mga programa ng pamahalaan.
Ito ang ilan sa mga tinalakay sa unang regular na pagpupulong ng gabinete noong Nobyembre 6 sa Bajau Hall, Bangsamoro Government Center sa Cotabato City.
Sa nasabing pulong, hinimok ni Chief Minister Abdulraof Macacua ang mga bagong talagang ministro at pinuno ng mga tanggapan na gampanan ang kanilang tungkulin nang may integridad, pananagutan at tunay na paglilingkod sa mamamayang Bangsamoro.
Kabilang sa mga prayoridad ang paghahain ng 2027 Bangsamoro Expenditure Program, pagsusuri sa laki ng burukrasya ng BARMM, pagtatatag ng Bangsamoro State University System at pagbuo ng mga tanggapan na tututok sa mga MNLF combatant na sumasailalim sa transisyon.
Tinalakay rin ang pagsusuri sa mga kasalukuyang programa at obligadong pondo upang matiyak na hindi maaantala ang pagpapatupad ng mga proyekto at paghahatid ng serbisyo.
Ayon kay Minister Ubaida Pacasem ng Ministry of Finance, and Budget and Management, maaari pang baguhin ng mga ministeryo ang kanilang mga panukalang programa basta’t mananatili sa itinakdang budget ceiling.
Target namang maipasa sa Disyembre ang panukalang 2027 Bangsamoro Expenditure Program.

















