Nasamsam ng mga awtoridad ang limang matataas na kalibreng baril at isang pistol, habang tatlong indibidwal ang naaresto sa isang operasyon sa Barangay Pababag, Bongao, Tawi-Tawi, noong Nobyembre 7, 2026.

Kabilang sa mga nakumpiskang armas ang dalawang M16 rifles, tatlong M14 rifles at isang Glock 19 pistol na iniulat na ninakaw mula sa isang tauhan ng Philippine Coast Guard.

Pinangunahan ng Bongao Municipal Police Station, sa ilalim ni PLTCOL Roy R. Zantua, ang operasyon katuwang ang 1405th Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion.

Ayon kay Tawi-Tawi Police Provincial Director PCOL Byron F. Allatog, bahagi ito ng patuloy na kampanya ng kapulisan laban sa ilegal na mga baril upang maiwasan ang karahasan at mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa lalawigan.