Opisyal nang idineklara ang buong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa ilalim ng State of Calamity dahil sa pinagsamang epekto ng krisis sa langis at nararanasang El Niño.
Sa ilalim ng Proclamation No. 00024, Series of 2026, na inilabas sa pamamagitan ng Office of the Chief Minister ni Bangsamoro Interim Chief Minister Abdulraof Macacua, binigyang-diin na kinakailangan ang deklarasyon ng State of Calamity upang tugunan ang malawakang epekto sa kabuhayan at pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Bangsamoro.
Batay sa dokumento, ang hakbang ay alinsunod sa kapangyarihan ng Bangsamoro Government sa ilalim ng Bangsamoro Organic Law, na nagbibigay awtoridad sa pamahalaan na magdeklara ng state of calamity sa mga sitwasyong may malawakang epekto sa buhay, ari-arian, at kabuhayan.
Binanggit din na ang Bangsamoro Oil Crisis Impact Task Force (BOCITF) ay nagrekomenda ng deklarasyon dahil sa epekto ng global fuel crisis, habang ang national government ay nakapaglabas na rin ng hiwalay na deklarasyon ng State of National Energy Emergency.
Kasabay nito, nananatili rin ang El Niño Alert sa rehiyon, na nagdudulot ng matinding epekto sa agrikultura, transportasyon, suplay ng pagkain, at kabuhayan ng mga residente.
Ayon sa Bangsamoro Disaster Risk Reduction and Management Council (BDRRMC), batay sa kanilang pagsusuri, sapat ang umiiral na kondisyon upang ideklara ang State of Calamity sa rehiyon.

















