Umabot sa 108 lugar sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang isinailalim ng Commission on Elections (COMELEC) sa iba’t ibang kategorya ng Election Areas of Concern (EAC) bilang paghahanda sa kauna-unahang parliamentary elections sa Setyembre.

Batay sa inilabas na tala ng COMELEC noong Hulyo 15, 2026, may 15 lugar ang nasa Green Category, 39 sa Yellow Category, 27 sa Orange Category, at 27 sa Red Category.

Sa Basilan, may apat na lugar sa Green Category, lima sa Yellow, dalawa sa Orange, at isa sa Red Category.

Sa Lanao del Sur, walang lugar na nasa Green Category, habang may 14 sa Yellow, lima sa Orange, at 21 sa Red Category, na siyang may pinakamaraming lugar na nasa pinakamataas na antas ng election security concern sa buong BARMM.

Sa Maguindanao del Norte, siyam na lugar ang nasa Yellow Category, tatlo sa Orange, at isa sa Red Category, habang wala namang naitala sa Green Category.

Samantala, sa Maguindanao del Sur, may pitong lugar sa Yellow Category, 14 sa Orange Category, at tatlo sa Red Category.

Lahat naman ng 11 lugar sa Tawi-Tawi ay nananatiling nasa Green Category, na nangangahulugang wala pang naitalang election security concern sa kasalukuyan.

Sa Special Geographic Areas (SGA), apat na lugar ang nasa Yellow Category, tatlo sa Orange Category, at isa sa Red Category.

Ayon sa COMELEC, nagsisilbing batayan ang Election Areas of Concern classification sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga kinakailangang hakbang upang matiyak ang ligtas, maayos, at mapayapang pagdaraos ng kauna-unahang parliamentary elections sa BARMM.