Himalang nakaligtas ang isang batang lalaki matapos direktang mabagsakan ng natumbang punong niyog ang sinasakyan nilang payong-payong sa Barangay Dagurongan, Sultan Mastura, Maguindanao del Norte, bandang alas-8:00 ng umaga nitong Biyernes, Hulyo 10.
Batay sa paunang impormasyon, paalis na sana ang mag-amang sakay ng payong-payong matapos mamili sa isang hardware store nang bigla na lamang matumba ang isang punong niyog at bumagsak sa kanilang nakaparadang sasakyan.
Nagtamo lamang ng bahagyang sugat sa kamay ang batang lalaki matapos madaplisan ng bumagsak na puno. Agad naman siyang nabigyan ng paunang lunas at ligtas na sa kapahamakan.
Samantala, malaking pinsala ang tinamo ng payong-payong dahil sa lakas ng pagkakabagsak ng puno.

















