Iginiit ng Department of Agriculture na hindi inaasahang magdudulot ng pagbabago sa presyo ng mga pangunahing bilihin ang kamakailang pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo.
Ayon kay DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, bagama’t may rollback sa langis, hindi ito sapat upang magpababa ng presyo ng mga bilihin kundi maaari lamang nitong mapigilan ang posibleng pagtaas ng mga ito.
Ipinaliwanag pa ng opisyal na nananatiling matatag ang presyo sa merkado dahil sa sapat na suplay ng mga inaangkat na produktong agrikultural.
Dagdag pa niya, napupuno umano ang mga cold storage facilities ng ahensya, na tumutulong upang mapanatili ang suplay at maiwasan ang paggalaw ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

















