Nagsagawa ng voters’ education rollout workshop ang mga nominado ng Bangsamoro Federalist Party (BFP) para sa mga miyembro ng kanilang Sectoral Wings bilang paghahanda sa serye ng voter education activities kaugnay ng nalalapit na First Bangsamoro Parliamentary Elections sa Setyembre.
Layunin ng workshop na palakasin ang kakayahan ng mga sectoral wings sa pagpapalaganap ng mahahalagang impormasyon tungkol sa proseso ng halalan at kahalagahan ng aktibong pakikilahok ng mga mamamayan sa demokratikong proseso.
Kabilang sa mga tinalakay ang mga pangunahing impormasyon hinggil sa parliamentary elections, mga tungkulin ng mga botante, at ang papel ng bawat sectoral wing sa paghikayat sa publiko na makiisa at maging bahagi ng pagpapatibay ng demokratikong pamamahala sa Bangsamoro.
Ayon sa mga organizer, mahalagang maihatid sa iba’t ibang sektor ng lipunan ang tumpak at wastong impormasyon upang maging gabay ng mga mamamayan sa kanilang paglahok sa nalalapit na halalan.
Inaasahan ding makatutulong ang inisyatibong ito sa paghubog ng mas mulat, responsable, at aktibong mamamayan na may makabuluhang partisipasyon sa kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro.
















